MANILA, Philippines — Limitahan ang pagsasama sa mga bata sa mga matataong lugar.
Ito naman ang panawagan ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos sa mga magulang bunsod pa rin ng banta ng COVID- 19 virus.
Ayon kay Carlos, dapat na iwasang isama ang mga menor de edad sa mga matataong lugar sa posibilidad na makakuha ng virus mula sa iba’t- ibang sakit lalo pa nga’t wala pang bakuna ang karamihan sa mga ito.
Aminado si Carlos na hindi nila mapagbawalan ang mga menor de edad sa mga pampublikong lugar sa ilalim ng Alert Level 2 at level 3 dahil pinapayagan silang lumabas sa ilalim ng mga guidelines ng IATF.
Subalit kapansin pansin na aniya ang overcrowding sa ilang mga lugar dahil sa kasama ng mga magulang ang kanilang mga anak kaya sa mga magulang na sila mananawagan.
Nilinaw pa ni Carlos na nirerespeto nila ang desisyon ng mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak para dumalo sa mga importanteng aktibidad subalit mas kailangan na ikonsidera ang banta ng COVID -19.
Mas makabubuti kung sumunod sa minimum public health standard para na rin sa kaligtasan ng mga bata.