MANILA, Philippines — Sa laki ng paniguradong tulong na mabibigay ng oil price stabilization fund o OPSF sa sektor ng transportasyon at maging sa ordinaryong mamamayan, isusulong ng TODA Partylist, No. 41 sa balota, ang pagbabalik ng implementasyon nito.
Ang OPSF ay magagamit upang maiwasan ang matinding epekto ng biglaang pagtataas ng produktong petrolyo sa mga kumukunsumo nito. Iwas pabigat ito sa publiko sa pamamagitan ng pagtatabi ng ilang porsyento ng ipinataw na buwis sa mga produktong petrolyo na siyang ilalaan upang ipambayad sa mga kompanya ng petrolyo sa panahong tumaas ang presyo nito sa international market.
Sa pamamagitan nito ay hindi na kailangan pang ipasa sa konsyumer ang epekto ng pagtataas ng presyo ng petrolyo.
Malaki ang epekto ng pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo sa pagtaas din ng presyo ng mga bilihin at maging pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, kaya naman napapanahon na para sa TODA partylist na muling buhayin ang nabanggit na programa. Nabuo at nagsimula ang OPSF sa termino ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa bisa ng Presidential Decree 1956 series of 1984 kung saan ang kita mula sa ipinataw na ad valorem tax sa mga produktong petrolyo ay inilagay sa isang special account sa general fund ng bansa.
Para kay TODA partylist 1st nominee Rovin Andrew Feliciano, malaking tulong ito lalo na sa sektor ng tatlong gulong na hindi maitatangging hindi kalakihan ang kitang naiuuwi sa araw-araw.
Naniniwala si Feliciano na isa ang OPSF sa mga programang tunay na makapagpapagaang sa kasalukuyang kondisyon ng mga manggagawang nasa sektor ng tricycle operation sa bansa.
Isa rin sa bibigyang pansin ng TODA partylist ang pagtutulak ng pagkakaroon ng insurance policy ng mga tricycle drivers na madalas maging biktima ng aksidente sa kalsada.