HDO vs ‘Poblacion Girl’ isasampa ng CIDG

MANILA, Philippines — Makaraang isampa ang  kasong pagbalag sa  Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act sa Makati Prosecutors Office,  inihahanda naman ng  PNP-Criminal Detection and Investigation  Group (CIDG) ang paghahain ng  hold departure order (HDO) laban  sa tinaguriang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Ann Chua.

Si  Chua na isang balikbayan mula  Amerika ay tumakas sa  kanyang  mandatory  quarantine at  dumalo sa isang party sa Makati.

Ayon  sa CIDG,  ang  kanilang  paghahain ng HDO  ay sa katiyakang dadalo sa pagdinig si Chua.

Bukod kay Chua, kasama ring kinasuhan ang mga magulang at boyfriend nito at limang   staff ng Berjaya Hotel sa Makati.

Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan  ang CIDG sa mga nakasalamuha ni Chua sa party.

Inutos din  ni CIDG Director Police Major General Albert Ferro ang pagsasampa ng supplemental complaint  laban kay Chua.

Samantala, ibinunyag  naman ni Carlos Laurel, pinsan ng aktres na si Denise Laurel na hindi imbitado si ‘Poblacion girl,’ sa pinuntahang party Aniya ang alam nila ay para lamang sa pamilya at magpi­pinsan ang  dinner dahil sa tagal na hindi pagkikita.

“Gwyneth is the girlfriend of a friend of my younger cousins who passed by at the end of dinner, Gwyneth was not invited to dinner by me or my relatives,” ayon sa pahayag ni Laurel.

Ayon kay Laurel, nalaman nilang positibo si Chua sa COVID-19 apat na araw mula nang lumabas ang resulta nito noong Disyembre 27 ngunit lingid sa kaalaman nito na tumakas ito sa mandatory quarantine.

Aminado si  Laurel na  natakot sila nang malamang  nagpositibo si Chua sa CO­VID-19 kaya agad din silang  nagpa-test at lumitaw  na  ilan sa kanyang pinsan at kapatid ang nagpositibo rin.

Show comments