MANILA, Philippines — Makaraang hindi sumipot sa pagdinig sa korte sa kasong qualified theft nitong Setyembre, pitong Taiwanese ang isinailalim sa manhunt operation.
Ang pitong Taiwanese ay nakilalang sina Alexander Tang, Richard Liao, Molly Tseng, Cathy Chuang, Hunto Chang, Cheng Fong Long, at Jack Pang. Sila’y mga opisyal at empleyado ng Chailease International Financial Services Ltd. Taiwan, na may tanggapan sa Makati.
Batay sa reklamo ng CAPP Industries Inc., ang pitong Taiwanese ay nakipagsabwatan umano kina Thierry Yung Hann Tea (a.k.a. Thierry Tea), Geoffroy Cahen, Robert Reguero, at Matea Delen ng Philjets Aero Charter Corp., at Lionel De Maupeou at Juha Pekka-Hoikka ng Airbus Helicopters Philippines Inc., upang nakawin ang Airbus Helicopter H130 na may registry number RPC 8625.
Dahil sa nakitang probable cause ng Pasay RTC 108, agad na naglabas ng warrant of arrest ang korte noong September 28, 2021 at hold departure order noong October 4, 2021.
Ayon sa CAPP, humingi na rin sila ng tulong sa Interpol para sa posibleng extradition katulong ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group para sa ikadarakip ng lahat ng mga akusado na ngayon ay nagtatago.
Naglabas din ng Notice to the Public para sa lahat ng posibleng may impormasyon sa kinaroroonan ng mga akusado.