40K kapsula na gamot sa COVID-19, naideliber na sa Maynila

Presidential aspirant Manila Mayor Isko Moreno and his running mate Dr. Willie Ong lead a ceremonial turnover of 120 bottles of Molnupiravir to the Manila COVID-19 field hospital yesterday.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Naideliber na sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang nasa 40,000 kapsula ng anti-COVID-19 na gamot na Molnupiravir na sinasabing makakabawas ng 50% sa tsansa nang pagka-ospital o pagkamatay  ng isang pas­yente na nahawa ng virus.

Sinabi ni Manila City Mayor Isko Moreno na nakaimbak ang naturang mga gamot sa Sta. Ana Hospital na may sapat na espasyo sa paglalagakan ng antiviral na gamot.

Simbolikong iniabot ni Moreno kahapon ang ilang kahon ng Molnupiravir sa Manila COVID-19 Field Hospital sa Luneta upang tiyakin sa mga pasyente na may mild at moderate na sintomas na tiyak na gaga­ling sila sa karamdaman.

“Dapat lagi tayong nauuna sa COVID infections. Nauna tayo sa pagbili ng Remdesivir at Tocilizumab.  At ngayon itong wonder drug na Molnupiravir, tayo rin ang naunang bumili. Patuloy akong makikinig sa siyensa. Patuloy akong makikinig kay Doc Willie Ong pagdating sa anti-covid drugs,” ayon kay Moreno.

Sinabi niya na ang agarang pagbili ng mga gamot kontra COVID-19 ay kumakatawan sa kanilang Bilis-Kilos na kampanya ng Aksyon Demokratiko. Hindi lang umano makikinabang ang mga taga-Maynila sa 40,000 kapsula ng Molnupiravir, ngunit maging ang ibang lungsod, munisipalidad at probinsya na nangangailangan nito.

Matatandaan na si Dr. Ong ang unang naghayag sa wonder drug na Molnupiravir na ginagamit ng ibang bansa sa paggamot sa COVID-19 ngunit hindi pa nakakarating sa Pilipinas. Bukod dito, sinabi ni Ong kahapon na may iba pang gamot na dinidebelop ang Pfi­zer na sumasailalim na sa clinical trials.  Kabilang dito ang Plasmovid at Retonovir na sinasabing mas mabisa laban sa coronavirus.

Show comments