MANILA, Philippines — Muntik nang mauwi sa pwersahang pag-aresto ang pagsugod ng beteranong aktor na si Pen Medina kasama ang humigit-kumulang 30-katao na nagkilos-protesta sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Sa report ng QC Task Force Disiplina, pawang mga walang suot na face mask at walang pakialam sa umiiral na health protocol ang grupo ni Medina kasama ang aktibistang si Nicanor Perlas nang sumugod sa QMC.
Si Perlas ay ang kaparehong indibiduwal na naglabas ng sarili niyang cease and desist order na ibinigay sa Malakanyang at iba pang ahensya ng gobyerno na humihiling na ipatigil na ang umano’y walang kwentang pagbabakuna kontra COVID-19.
Bitbit ng grupo ni Medina at aktibisa ang mga plakard na kumukontra sa pagbabakuna ng buong mundo laban sa COVID-19 dahil wala raw itong scientific basis.
Napasugod sa lugar ang mga tauhan ng TF Disiplina at mga pulis mula sa QCPD para ipatigil ang pagkilos ng grupo ni Medina at Perlas na karamihan ay mga senior citizen.
Matapos ang mahabang paliwanagan at pakiusap ay mahinuhod namang sumunod ang grupo at hindi na humantong pa sa pag-aresto sa mga nagrali.