MANILA, Philippines — Pinagkukumpiska ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang mga hagdan na ginagamit na pasukan sa ‘backdoor’ ng Manila North Cemetery (MNC) makaraang ipag-utos ang pagsasara ng lahat ng sementeryo sa Metro Manila ngayong Undas.
Unang nakipag-ugnayan si MNC Administrator Yayay Castaneda sa Sta. Cruz Police Station 3 makaraan ang ulat na patuloy ang gawain ng mga residente na nasa likuran ng sementeryo sa pagpapasok sa mga tao gamit ang mga hagdang kahoy.
Pinagkakakitaan ito ng mga residente sa paniningil ng hanggang P50 para makapasok ng sementeryo at makabisita sa kanilang namayapang kaanak o mahal sa buhay.
Samantala, inabisuhan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko na agahan na ang pagbisita sa kanilang mga namayapa dahil sa isasara ang mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Bukod sa mga sementeryo, isasara rin ang mga kolumbaryo at maging ang Muslim Cemetery sa ilalim ng Executive Order No. 33 ni Moreno.
Ang paglilibing at cremation lamang para sa mga nasawi ng hindi dahil sa COVID- 19 ang papayagan.