MANILA, Philippines — Naisampa na kahapon ang petisyon ng ibat-ibang jeepney organization para sa provisional P3 na dagdag singil sa minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep sa bansa.
Sa kanilang petisyon na isinampa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Central Office sa pangunguna ng Pasang Masda, FEJODAP, ACTO, LTOP at ALTODAP, iginiit nila sa kanilang petisyon ang P3 dagdag pasahe para sa unang apat na kilometrong biyahe at wala naman silang hininging dagdag para sa succeeding kilometer.
Katwiran ang fare hike lamang ang magiging lunas sa naging pahirap sa kanilang hanay ng pitong linggong sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng petroleum products sa merkado.
Sa ngayon ay P9 ang minimum fare at kapag pinayagan ng LTFRB ang fare increase sa passenger jeep ay tataas sa P12 ang minimum na singil sa pasahe sa jeep.
Ayon kay Ka Obet Martin, national President ng Pasang Masda, sa loob ng ilang linggong sunud-sunod na taas sa presyo ng produktong petrolyo, may P5.65 na ang halaga ng itinaas sa presyo ng kada litro ng diesel, P4.10 naman sa gasolina at P5.30 sa kerosene.
Anya bagama’t pandemic, nais ng kanilang hanay na magkaroon ng taas pasahe sa jeep dahil lubha nang apektado ang kanilang arawang kita dulot ng serye ng oil price hike sa kabila ng maliit nilang kita sa ngayon dahil iilan ang pasahero at iilang jeep lamang ang nabigyan ng ruta ng LTFRB para mamasada.
Dahil provisional increase ang hirit ng naturang transport group ay hindi na maisasalang sa mahabang public hearing ng LTFRB ang petisyon kundi ito ay agad-agad na madedesisyonan ng LTFRB board para sa interes ng jeepney sector.
Samantala, tinutulan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang panawagan ng ilang transport groups na magkaroon ng taas-pasahe sa mga jeepney, bunsod nang patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Tugade, kung siya ang masusunod ay ayaw muna niyang magkaroon ng taas-pasahe sa ngayon dahil mas marami aniya ang maaapektuhan lalo na at panahon pa ng pandemya.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi niya nilalabanan ang iilan sa kanyang paninindigan, kundi pinuprotektahan lamang niya ang mas nakararami.
Sinabi pa ni Tugade na maaari pa namang maghanap ng ibang pamamaraan upang matulungan ang mga jeepney drivers at operators nang hindi magtataas ng pasahe.