MANILA, Philippines — Limang pagamutan sa Metro Manila ang napili para pagdausan ng ‘pilot vaccination’ ng mga kabataang nasa edad 12-17 taong gulang na may taglay na mga ‘comorbidities’, ayon sa National Task Force (NTF) against Covid-19.
Tinukoy ni Secretary Carlito Galvez Jr., ang mga pagamutan na ang Philippine Heart Center, National Children’s Hospital, Philippine General Hospital, at dalawa pang pagamutan na nakatutok sa kabataan.
“It will be in October and it will start in NCR. This program will be approved by the IATF (Inter-Agency Task Force) the concept at tsaka para makita rin ng all experts group,” ayon kay Galvez.
Isasagawa ang pilot run sa dalawang phase. Uunahing bakunahan ang mga nasa edad 15-17 taong gulang at saka isusunod ang iba pa.
Isasama ang mga kabataang may comorbidity sa A3 priority group habang ang mga ‘dependents’ tulad ng mga anak ng mga healthcare workers ay ilalahok naman sa A1 priority groups.
Maaari umanong umabot ng hanggang 12 milyong kabataan ang kanilang mabakunahan sa Oktubre hanggang Nobyembre dahil inaasahan na darating ang bagong 15 milyong doses ng Pfizer vaccines at lima hanggang pitong milyong doses ng Moderna vaccines.