MANILA, Philippines — Nakalaya na ang kontrobersiyal na Tsinoy na sinasabing hindi nagbayad ng hotel bills, nagwala at nanagasa pa ng mga sasakyan ng mga pulis, kamakailan sa Quezon City.
Sinabi ni Col. Alex Alberto, hepe ng QCPD Station 10, nakalaya ang negosyanteng si Arvin Tan, matapos na ring bayaran ang lahat ng kanyang mga atraso at maglagak ng piyansa.
Si Tan ay sinampahan ng kasong paglabag Anti-Drunk Driving Law, damage to property, resisting arrest, disobedience to a person of authority at estafa.
Sinasabing agad din nabayaran ni Tan ang mga danyos o pinsala sa mga sasakyan na kanyang nabangga kabilang ang ilang patrol car ng QCPD. Kinausap na rin umano ng kampo ni Tan ang babaeng hindi umano nito nabayaran at sinasabing nagkasundo na.
Naniniwala naman si Col. alberto na tuluyang makakansela ang drivers license ni Tan matapos na rin itong magpositibo sa drug test at ang masamang inasal nito sa kalsada
Ani Col. Alberto, hawak pa rin nila ang lisensya ni Tan upang masiguro na hindi ito makapagmamaneho habang hinihintay ang pinal na desisyon ng LTO.
Si Tan ay nagwala rin sa lobby ng Manila Police District (MPD) noong kasagsagan ng imbestigasyon sa hazing kay Horacio Castillo III.