Nagpakalat ng balita, pinahahanting sa NBI
MANILA, Philippines — Ipinatutugis na sa National Bureau of Investigation (NBI) ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang mga nagpasimuno ng ‘fake news’ na hindi mabibigyan ng ayuda ang hindi bakunado ng COVID-19 na naging dahilan ng dagsaan ng mga tao sa halos lahat ng vaccination sites sa National capital Region.
Kahapon ay ipinadala ni Abalos kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor ang liham na humihiling na imbestigahan at papanagutin ang mga taong nagpakalat ng maling balita at walang basehan
“I am requesting your Bureau to initiate the investigation of the said fake news in order for those persons responsible therefore to be held accountable in causing unruliness at the vaccination sites and thereafter to file the necessary charges against them,” ani Abalos sa kaniyang liham.
Nilinaw pa nito na ang pagbibigay ng bakuna ay hindi ibinabase sa kung bakunado o hindi ang isang indibiduwal.
Aniya, makakakuha ng cash aid mula sa national government ang mga low income residents mula na P1,000 sa bawat indibidwal o hindi lalagpas sa P4,000 kada pamilya.
“Do not believe in fake news. Let us wait for your vaccinationschedule. Local chief executives of Metro Manila are on top of the situation, ensuring that queues are orderly,” aniya.
Binalaan din niya ang nagpapakalat ng maling balita na pananagutan at ang mga kinauukulan na ang bahala sa kanila.
Fake news din itinuring ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang naglalabasang ulat na hindi makakatanggap ng ayuda ang mga taong hindi bakunado.
Ayon kay DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, walang katotohanan ang ulat na ang mga bakunadong indibiduwal lamang ang bibigyan ng pamahalaan ng ECQ ayuda dahil ang naturang ‘ayuda 2’ ay para aniya sa mga ‘low-income individuals’, anuman ang vaccination status ng mga ito.
Tiniyak din ni Malaya na isinasapinal na ng pamahalaan ang guidelines para mapabilis ang paglalabas ng naturang tulong pinansiyal.