MANILA, Philippines — Tuluyan nang pinasisibak sa serbisyo si Master Sgt. Hensie Zinampan, na nakuhanan ng video na bumaril at pumatay sa isang ginang sa Quezon City noong Mayo.
Ito ang naging rekomendasyon ni PNP-Internal Affairs Service chief Triambulo kay PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar matapos ang kanilang ginawang imbestigasyon sa kaso.
Ayon kay Triambulo, pinadala na nila ang kanilang resolusyon kay Eleazar sa pamamagitan ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM)
Aniya, malakas na ebidensiya ang video upang makasuhan ng murder at matanggal sa serbisyo si Zinampan.
Nabatid na hindi naman umapela si Zinampan sa ginawang pagpatay kay Lilybeth Valdez, 52, ng Greater Lagro, Fariview Quezon City matapos na magkaroon ng pagtatalo noong Mayo 31.
Nakatalaga si Zinampan sa PNP Police Security and Protection Group
Sinabi naman ni Eleazar na babasahin muna niya ang resolution upang maiwasan ang anumang isyu. Titiyakin naman niyang matatanggal sa pagkapulis si Zinampan kung kinakailangan.
Tulad na rin aniya ng sinapit ni Master Sgt. Jonel Nuezca na malapitang pinatay ang mag-inang sina Sonia, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25 sa Paniqui Tarlac noong December 2020.