MANILA, Philippines — Isang Toktok rider na kasama sa drug watchlist ng Directorate for Intelligence (DI) at itinuturing na Regional Priority Target, ang naaresto ng mga pulis sa isang buy-bust operation sa Quezon City kamakalawa.
Ang suspek na si Jayson Ortega, 35, ng A100 Sinag Tala St., Project 8, Brgy. Bahay Toro, Quezon City ay naaresto nang pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD- Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Masambong Police Station (PS 2) at District Drug Enforcement Unit (DDEU).
Ayon kay PS-2 commander PLTCOL Ritchie Claravall, ang suspek ay nadakip sa buy-bust operation dakong ala-1:30 ng hapon kamakalawa sa EDSA Southbound kanto ng Bansalangin St., Brgy. Veterans Village, Quezon City
Nakumpiska mula sa kanya ang limang pakete ng shabu na may 10 gramo ang timbang at nagkakahalaga ng P68,000, isang pouch, isang cellular phone, at buy-bust money.
Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.