P1 milyong shabu nasabat sa Marikina: 3 huli

Ang mga suspek ay na­kilalang sina Jonathan Pulido, alyas Totong, 26, na itinuturing ng mga awtoridad na newly-identified high value individual (HVI); Marifel Estoque, 24, at Aaron Jhon Guiyang, 21.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Tatlong drug suspects ang naaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Brgy. Tumana, Marikina City kamakalawa ng hapon, na nagresulta rin sa pagkakum­piska ng mahigit sa P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu.

Ang mga suspek ay na­kilalang sina Jonathan Pulido, alyas Totong, 26, na itinuturing ng mga awtoridad na newly-identified high value individual (HVI); Marifel Estoque, 24, at Aaron Jhon Guiyang, 21.

Batay sa ulat ng Marikina City Police, naaresto ang mga suspek sa isang buy-bust operation na ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Block 24 Lot 2, Ampalaya St., sa Brgy. Tuman dakong alas-5:50 ng hapon.

Nakatanggap ng tip ang mga pulis hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t nagkasa ng buy-bust operation, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito.

Nakumpiska mula sa kanila ang tatlong plastic sachet at dalawang piraso ng plastic ice bag na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu, na may timbang na humigit-kumulang sa 170 gramo, at tinatayang nagkakahalaga ng P1,156,000, isang digital weighing scale, isang asul na pouch, at buy-bust money.

Ang mga suspek ay pawang nakadetine na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments