MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa katawan ang biktima na kinilalang si P/Cpl Ruben Tan, 28, nakatalaga sa Sta. Quiteria Police Sub-Station (SS-6) ng Caloocan City Police at residente ng Amaya’s St. Baesa, Brgy. 161.
Base sa nakarating na report kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-7:47 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Ignacio Compound, Brgy. 162, ng lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo habang tinatahak ang naturang lugar nang biglang sumulpot mula sa likod ang mga suspek na magkaangkas din sa motorsiklo at armado ng baril saka pinagbabaril si Tan.
Tinangka ng biktima na gumanti subalit muli siyang pinaputukan ng mga salarin sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang naiwan ang duguang biktima.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up sa imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.