Casualty, sugatan sa drug ops ‘di maiiwasan - Eleazar

MANILA, Philippines — Aminado si Philippine National Police chief Gen. Guillermo  Eleazar  na may mamamatay o masusugatan sa mas pinaigting na  anti-illegal drugs operations sa bansa.

Ayon kay Eleazar,  hindi nila kontrolado ang magiging resulta ng  operasyon sakaling magkaroon ng  matinding sagupaan sa pagitan ng mga operatiba at  mga kriminal kaya hindi nila magagarantiya na walang mamamatay o masusugatan.

Gayuman, sinabi ni  Eleazar na may direktiba siya na hangga’t maaari ay  iwasan ang  pagdanak ng dugo sa alinmang drug operations tulad na rin ng mga nakaraang drug operations.

Ito rin ang  dahilan kaya purisgido silang  simulan na ang paggamit ng  body cameras upang  mairekord ang  bawat kaganapan sa operasyon.

Aniya, accountable at responsable sila sa mga pangyayari at para mabawasan  na rin ang mga alegasyon. Ang karapatan ng bawat isa ay may proteksiyon.

Subalit  ayon kay Eleazar hinihintay  pa rin nila ang protocol mula sa Supreme Court para kanila ng magamit ito sa kanilang mga operasyon.

Sa ngayon naipamahagi na ang nasa 2,696 body cam units sa iba’t ibang police stations sa NCR at maging sa mga city at provincial police office sa buong bansa.

Show comments