MANILA, Philippines — Bulagta ang dalawang miyembro ng kidnap for ransom group (KFRG) matapos manlaban umano sa mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) sa inilunsad na operasyon sa may bahagi ng Carlos Garcia Avenue Extension, Parañaque City.
Ayon kay PNP-AKG director B/Gen. Jonnel Estomo, nagsagawa ng police operations ang mga pulis sa lugar nitong nakalipas na Biyernes ng gabi batay sa impormasyon na may mga kidnappers ang umaaligid sa lugar at target dukutin ang isang mayamang negosyante sa nasabing siyudad.
Pero dahil sa pagiging alerto ng mga pulis, napigilan nila ang planong panibagong pagdukot ng grupo.
Sinabi ni Estomo, natunugan ng mga suspek na hinahabol sila ng mga operatiba kaya tumatakas ang mga ito at pinaputukan ang sasakyan ng mga operatiba.
Pero na-corner ang dalawang suspek sa checkpoint operation, sa kabila ng sinabi ng mga pulis na sumuko at nagpaputok ang mga ito.
Sa pag-retaliate ng mga pulis, napatay sa labanan si Jobert Ganares habang ang isa nitong kasamahan ay isinugod pa sa ospital subalit idineklarang dead- on-arrival.
Batay sa record ng PNP-AKG, si Ganares ay itinalagang spotter at security nang dukutin ng grupo ang isang James Elijah Yap noong December 31, 2020 sa Quezon City.