MANILA, Philippines — Tiniyak ni Agrarian Reform Secretary John Castriciones na palalawakin pa nila ang ‘’Buhay sa Gulay’ sa Metro Manila na layong mabigyan ng kabuhayan at pagkain ang malilit na Pilipino na lubhang apektado ng pandemya.
Kahapon ay pinangunahan ni Castriciones ang pag-ani ng mga gulay na pechay, mustasa at kangkong na itinanim sa apat na barangay sa Caloocan City noong Pebrero 11. Plano rin ni DAR na maglagay sa Pasig, Mandaluyong at Makati.
Kabilang dito ang Brgy.165 ni Chairman Victorio Dantes na may 64 taniman ng gulay; Brgy. 166, ni Chairman Magdalena Gregorio na may 60 taniman; Brgy. 167 ni Chairman Tony Reyes na may 35 flats o taniman ng gulay at habang nasa 44 na flats naman sa Brgy. 168 ni Crisanta Del Rosario.
Ikinatuwa ni Castriciones ang mga magaganda at malalaking tubo ng mga gulay sa apat na mga barangay na indikasyon na naaalagaan at sinunod ang tamang pagtatanim. Dagdag pa nito na dapat na mapanatili ang maayos na pagtatanim dahil daan ito sa pag-angat sa buhay .
Samantala, sa Brgy. 166, naglaan ng suki pass si Gregorio na magiging ID ng mga mamimili upang makabili ng murang gulay. Aniya, malaki ang matitipid ng mga mamimili sa pamasahe at pagod.
Dinagdagan din ni Gregorio ng upo ang lugar upang mas maraming puwedeng anihin sa mga susunod na buwan. 24/ 7 ang pagbabantay na ginagawa upang matiyak na walang hayop na maninira sa mga tanim. Naglagay din ng solar panel upang may ilaw ang taniman sa gabi.