MANILA, Philippines — Aabot lamang sa P100,000 ang maaaring ipataw na multa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ice plant sa Navotas City dahil sa nangyaring ‘ammonia leak’ na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang katao at pagkaka-ospital sa 96 na iba pa.
“Kung sakaling lumabas na may paglabag sa standard natin sa occupational safety and health standard, nag-i-impose po ang DOLE ng administrative fine for noncompliance to standard that will result to grave injury or death,” ayon kay Noel Binag, executive director ng DOLE Occupational Safety and Health Center.
Sinabi niya na base sa batas, dapat may nakatalagang ‘safety officer’ na sumailalim sa ‘occupational safety and health training’ ang bawat kompanya.
“Meron po silang interventions or controls in place in case of emergency, ‘certified first-aider,’ occupational health facilities and medicines,” dagdag ni Binag.
Nabatid din na kaila-ngang magbigay ng kompensasyon ang pamunuan ng ice plant sa mga manggagawa nila na maaapektuhan ng pansamantalang pagsasara dulot ng ammonia leak.
Maaari rin naman na mag-aplay ang manggagawa ng ‘financial assistance’ sa Employees’ Compensation Commission (ECC). Nagbibigay ang ECC ng tulong pinansyal sa mga obrero na apektado ng mga kahalintulad na aksidente sa loob ng pagawaan kabilang ang pagtatamo ng pinsala at maging pagkasawi.
Inamin ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na pag-aari ng pamilya ng kaniyang ina ang TP Marcelo Ice Plant at humingi ng dispensa sa pangyayari.