Trader, natangayan ng P1.5 milyong cash at alahas sa holdap

MANILA, Philippines — Nagawang matangay ng nag-iisang holdaper ang aabot sa P1.5 mil­yong halaga ng mga alahas at pera nang biktimahin ang isang negosyante sa may Sta. Cruz, Maynila ,kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Teodulo Cay, 73, ng Sta. Cruz, Maynila. Inilarawan niya ang lalaking holdaper na nasa pagitan ng edad na 30-35 taong gulang, payat, may taas na 5’4”, nakasuot ng itim na t-shirt, puting shorts at itim na sumbrero.

Sa ulat ng Manila Police District, naganap ang panghoholdap dakong alas-7 ng umaga sa jewelry store na pag-aari ng biktima malapit sa Pearl Blossom Hotel sa may C.M. Recto Avenue, Sta. Cruz, ng naturang lungsod.

Nabatid na kabubukas pa lamang ng jewelry store ng biktima kasama ang tauhan na si Dante Magnaye, 43, nang biglang sumulpot ang salarin na armado ng isang baril at nagdeklara ng holdap.

Tinangay ng holdaper ang bitbit na bag ni Cay na Louis Vuitton bag na naglalaman ng P1 mil­yong halaga ng alahas at P500,000 salapi. Agad na tumakas ang salarin patungo sa direksyon ng Florentino Torres.

Show comments