MANILA, Philippines — Dinagsa ng mga mananampalatayang Katoliko ang halos lahat ng simbahan sa Metro Manila sa unang pagdaraos ng tradisyunal na Simbang Gabi ngayong nababalot ang mundo sa pandemya.
Sa simbahan ng Quiapo, umabot hanggang sa labas ang pila ng mga tao na salit-salitang pumapasok sa loob kapag natatapos ang misa.
Tatlong magkakasunod na misa ang inumpisahang isagawa mula nitong Martes ng gabi at Miyerkules ng madaling araw ngunit nasa 300 lamang ang pinapayagang makapasok sa loob dahil sa ipinatutupad na ‘physical distancing’.
Dahil sa limitadong laman ng simbahan, naglagay naman ang Manila Cathedral at Sto. Domingo Church ng LED screens sa patio para makatunghay pa rin ng misa ang mga deboto na nasa labas.
Umabot naman sa halos 2,000 ang dumalo sa Simbang Gabi sa Bacla-ran Church sa Parañaque City ngunit hindi lahat ay nakapasok sa loob.
Naging mahigpit ang pagpapatupad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at shield at paggamit ng disinfectants.