MANILA, Philippines — Naniniwala si National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief BGen. Vicente Danao na mas madaling mareresolba ang krimen at matutukoy ang mga scalawag na pulis sa mas pinaigting at pinalakas na 24-hour hotline.
Ayon kay Danao, nais niyang magkaroon ng “free-flow of communication” na siyang mahalaga sa pagresolba sa krimen at mapigilan ang anumang mga unlawful activities.
Tiniyak ni Danao na magiging mas madali ang pagdulog at pagsusumbong sa mga tiwali, abusado at ilegal na aktibidad. Aniya, magiging confidential ang lahat ng mga matatanggap na report at sasailalim sa beripikasyon.
Binigyang-diin ng heneral, na ang kanilang 24-hour complaint hotline ay nakahanda na tumanggap ng mga reklamo mula sa mga Metro Manila residents via 0915-888-81-81 para sa Globe at 0999-901-81-81 para naman sa Smart subscribers at maging sa social media accounts ng NCRPO.
“This is going to be their direct hotline in airing out their issues and concerns. I also welcome reports involving personnel within our ranks who continuously defy orders, laws, rules and regulations,” ani Danao.
Sinabi ni Danao na kailangan nila ang tulong ng publiko upang mas agad na maresolba ang kanilang mga reklamo at mas mapabuti ang pagseserbisyo ng PNP.