MANILA, Philippines — Trahedya ang sinapit ng tatlong bata na naglalaro lang at pawang nahulog sa isang nakabukas na manhole dahilan ng kanilang pagkalunod, kahapon ng hapon sa Taguig City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Dominique Nueva, 6; Reynan Sandag, 6 at Prince Almania, 8.
Sa ulat na ipinadala ni Taguig City Police chief, PCol Celso Rodriguez, naganap ang insidente dakong alas-12:40 ng hapon sa Arca South vacant lot sa may Anchor Street, Interchange, Brgy. Western Bicutan, ng naturang lungsod.
Nabatid na naglalaro sa lugar ang tatlong paslit nang mapadako sa manhole na nakabukas at pawang nalaglag sa loob na puno ng tubig.
Nagawa namang makasaklolo ang safety marshall ng Arca kasama ang mga tauhan ng Brgy. Western Bicutan rescue team at naiahon ang mga bata saka mabilis na isinugod sa pagamutan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang tiyak na pangyayari sa pagkalunod ng mga paslit. Inaalam rin kung may naganap na kapabayaan sa insidente at kung may posibleng managot dito.