MANILA, Philippines — Upang maproteksiyunan ang kondisyon ng mga buntis na pulis laban sa COVID-19, papayagan na ang mga ito na mag “work-from-home”.
Ito naman ang binigyan diin ni PNP Chief General Debold Sinas, kasunod ng insidente na nakunan sa kanilang ipinagbubuntis ang dalawang pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagpositibo sa COVID-19.
“We have four experiences when four of our female personnel tested positive. Two of them suffered miscarriage and their husbands also tested positive,” ani Sinas.
Hindi aniya maaaring ipagwalang bahala ang kondisyon ng mga buntis na pulis na nai-stress sa trabaho. Kung nasa bahay ang mga ito, mas madaling maagapan ang kanilang emergency cases.
Sa ngayon ay higit 8,000 na ang mga pulis na nagpositibo sa COVID kung saan 26 dito ang nasawi. Umabot naman sa 7,637 ang nakarekober habang nasa 400 ang aktibong kaso.