MANILA, Philippines — Simula na ngayong araw ang pagpapatupad ng Executive Order No. 39 ni Manila Mayor Isko Moreno para sa libreng swab mass testing para sa mga taong mas lantad at posibleng mahawaan ng virus subalit hindi kaya ng bulsa na magbayad para rito.
Sinabi ng alkalde na target ng libreng RT-PCR (real time-polymerase chain reaction) ang nasa 24,000 mga driver ng pedicab, jeepney, pedicab, tricycle at e-trikes.
Sa ulat sa kaniya ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje , nasa 300 na public utility drivers ang maaaring isalang sa swab test kada-araw.
Kasama rin sa plano na ang mismong grupo ni Viaje ang magtutungo sa mga ‘pilahan’ ng mga sasakyan o terminal upang doon kunan ng swab.
Bukod sa mga drivers, nasa EO No. 39 din na kasama sa libreng swab tests ang mga kawani ng malls, hotels, restaurants at supermarkets, maging ang mga vendor sa public markets.