MANILA, Philippines — Sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sarili nilang hepe ng Legal Assistance Section at sa kapatid nito na opisyal naman ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng pagkakasangkot sa ‘Pastillas Scheme’.
Kabilang sa mga kasong isinampa ng NBI Special Action Unit ay ang extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa abogadong si Joshua Capiral at kapatid nitong si Christopher John Capiral.
Bukod dito, kinasuhan din sila ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials dahil sa kapwa pagiging tauhan ng pamahalaan habang nilabag din nila ang Executive Order 608 na ukol sa ‘national security clearance’ para sa mga opisyal ng pamahalaan na may access sa mga klasipikadong impormasyon.
Inaresto ang magkapatid sa isang entrapment operation nitong Lunes makaraang mangikil umano ng P100,000 upang hindi makasama sa imbestigasyon ang ilang personalidad na sangkot sa ilegal na gawain.
Dinala ang magkapatid sa Department of Justice (DOJ) kahapon ng umaga para sa pagsasampa ng mga kaso sa kanila ngunit tumanggi sila na magbigay ng pahayag.
Ayon sa NBI, nagtaka sila nang sa 40 indibiduwal na may matibay na ebidensya na sangkot sa ‘Pastillas scheme’ ay tanging apat lamang ang inirekomenda nilang kasuhan. Kinalaunan, nasa 19 na indibiduwal ang sinampahan ng kaso.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kakasuhan din ang magkapatid na Capiral ng kasong administratibo habang nanawagan sa lahat ng tauhan ng NBI, kahit anong ranggo, na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng korapsyon.
Inihayag rin ng kalihim na ipag-uutos niya ang muling pagsasagawa ng bagong imbestigasyon sa ‘Pastillas Scheme’ makaraan na maging kaduda-duda na ang resulta nito dahil sa pagkakasangkot ni Capiral.
Ang ‘Pastillas Scheme’ay ang pagpapapasok ng mga tauhan ng Immigration sa mga dayuhan na walang dokumento upang magtrabaho sa mga iligal na POGO o kaya naman ay sa prostitusyon kapalit ng lagay o patong sa kanila.