Pagbabalik ng provincial bus trips sa Metro Manila, posible ngayong Setyembre - LTFRB

Ito ang pahayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairperson Martin Delgra kasunod na rin sa panawagan ng ilang grupo na dagdagan pa ang bumibiyaheng public transport.
STAR/File

MANILA, Philippines — Maaari umanong maibalik na ngayong Setyembre ang mga provincial bus trips sa Metro Manila .

Ito ang pahayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairperson Martin Delgra kasunod na rin sa panawagan ng ilang grupo na dagdagan pa ang bumibiyaheng public transport.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni Delgra na pinaplantsa na nila ang mga pinal na paghahanda para sa muling pagbabalik ng biyahe ng mga provincial bus papasok ng Metro Manila, kahit na marami pa ring mga lalawigan ang nagdadalawang isip hinggil dito.

“Inaayos lang po natin and hopefully we will be able to open it within the month,” pahayag pa ni Delgra.

Sa ngayon aniya ay apat lamang sa 81 probinsiya na kanilang kinonsulta hinggil sa resumption ng bus operations palabas at papasok ng Metro Manila, ang bukas sa plano. Kabilang na rito ang Bataan at Quirino.

Karamihan naman aniya ng mga lalawigan ay ayaw pang magbukas ng kanilang boarders lalo na sa mga ruta na manggagaling ng Metro Manila.

Dagdag pa ni Delgra bagama’t marami nang lugar ang nagluwag na ng travel restrictions, kailangan pa ring konsultahin ang mga local government units (LGUs) hinggil sa inter-regional travel dahil sa mga limitasyon ngayong may pandemic.

Matatandaang una nang ipinagbawal ang pagpasok ng provincial buses sa Metro Manila dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Show comments