MANILA, Philippines — Walang truck ban at nananatiling ‘lifted’ ang number coding schemes sa mga sasakyan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, hindi muna iiral ang truck ban upang hindi mabalam ang galaw ng kalakal at ang number coding naman ay hindi muna ipatutupad hangga’t hindi pa naibabalik sa normal ang public transportation.
Aniya, mismong ang Department of Trade and Industry (DTI) ang umapela sa MMDA na payagan muna ang mga truck na makapagbiyahe ng essential goods o pagsuspinde ng truck ban kaya’t maging ang iba pang kalakal ay hindi rin binabawalan kabilang na ang construction materials,
“Truck ban na oras, wala na po muna ‘yan. Essential, lalo na medisina, pagkain, basura kahit lahat ng industriya na pinapayagan during ECQ pinapayagan na po ‘yan. Ultimo construction materials allowed po ‘yan,” aniya pa.
Gayunman, pinaalalahanan din ni Garcia ang mga truck drivers na dapat na manatili lamang sila sa itinalagang lane upang hindi maging magulo ang daloy ng trapiko.
Samantala, idinagdag pa ni Garcia na may ilang lokal na pamahalaan naman na nagpapatupad ng sarili nilang modified coding.
Nakiusap sa lahat ng motorista si Garcia na sumunod sa batas trapiko.