MANILA, Philippines — Todas ang isang Indian national makaraang malapitang barilin sa ulo ng riding-in-tandem sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Harpreet Singh Maan, 32, residente ng Block 3 Lot 3, Hillside St., Metro Homes, San Juan City.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nabatid na dakong alas- 4:20 ng umaga nang maganap ang pagbaril at pagpatay sa biktima sa panulukan ng Benitez at Banahaw Sts., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City
Sinabi ng isang testigo na tinutulungan niya ang biktima sa pagpapalit ng flat tire ng silver Toyota Revo nang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang suspek at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang biktima.
Dahil sa takot ay nagtatakbo siya at humingi ng saklolo sa mga opisyal ng Brgy San Martin the Porres, subalit patay na ang biktima nang dumating ang mga ito.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy at madakip ang dalawang salarin at mabatid ang motibo ng krimen.