MANILA, Philippines — Nasagip ng mga tauhan ng Makati City Police ang isang Chinese national na dinukot ng kanyang dalawang kababayan dahil sa utang sa isinagawang operasyon sa isang hotel sa naturang lungsod kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasagip na si Ao Yuan, nanunuluyan sa Three Central Condominium, Valero St., Brgy. Bel-Air habang nadakip ang mga suspek na sina Zhou Meng, 26 at Tseng Yi-Ting, 25, kapwa nakatira naman sa Lerato Tower 1, Malugay St., Brgy Bel-Air, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nakatanggap ng paghingi ng saklolo si P/Maj Gideon Ines, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) sa pamamagitan ng isang Chinese mobile application, ukol sa isang babaeng Chinese national na dinukot at ikinulong sa isang hotel.
Dakong alas-9:40 kamakalawa ng gabi nang salakayin ng mga pulis ang Unit ni Ting sa Lerato Tower 1 sa Malugay Street, Brgy. Bel-Air kung saan nasagip ang biktimang si Ao at nadakip ang dalawang suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na may pagkakautang umano ang biktima sa dalawang suspek na siyang hinihinalang pangunahing motibo sa pagdukot.
Agad na dinala ang mga suspek sa Makati City Police Station habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong Illegal Detention sa kanila sa Makati City Prosecutor’s Office.