Dahil sa ibat-ibang kaso
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang nagpakilalang bilyonaryong negosyante, Youtuber at kaanak umano ng pamilya Marcos dahil sa kasong kinakaharap nito sa Baguio City.
Inaresto ng mga tauhan ng NBI Cybercrime Division si Francis Leo Marcos sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa Baguio City dahil sa paglabag sa Republic Act 8050 o ang Optometry Law na isinampa ng Optometrist Association of the Philippines.
Hindi pa naman makapagbigay ng dagdag na impormasyon ukol sa kaso ang NBI habang isinusulat ito.
Nakilala si Marcos sa kaniyang “Mayaman Challenge” sa kaniyang Youtube account kung saan hinamon niya lahat ng mayayaman na mamigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Namimigay umano siya ng relief goods, bigas at pera sa kaniyang mga subscriber. Ngunit kung ito ay magsa-subscribe sa kaniyang channel at isi-share nito ang video sa iba’t -ibang social media platforms.
Sinabi ni Marcos na nagbibigay umano siya ng ‘optimum eye care program’ sa iba’t ibang panig ng bansa. Hinihinala nito na may mga malalaking tao na tinamaan sa kaniyang ‘Mayaman Challege’ kaya siya ipinaaresto.
Ngunit ilang netizen naman ang nagsabi na hindi niya totoong pangalan ang Francis Leo Marcos at Norman Mangusin ang kaniyang totoong pangalan. Nahaharap din umano siya sa iba’t -ibang kaso ng estafa sa mga korte.