8 Chinese POGO workers arestado, sa pagpapadeliber ng shabu sa rider

Kinilala ang mga inaresto na sina Huang Kang Chen, 26; Pou Di Zhu, 28; Li Jun, 26; Liuhan Yang, 24; Hai Yang, 24; Hou Yaqiang, 31; Tang Shaohua, 29; at Liu Ji Jang, 29, pawang mga nanunuluyan sa Brick Stone Hotel sa may M.H Del Pilar Street, Ermita.
STAR/File

MANILA, Philippines — Walong Chinese nationals na pawang mga POGO workers ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) makaraang inguso sila ng isang delivery rider na nagpadeliber ng isang pakete na may lamang shabu, kamakalawa ng umaga sa Ermita, Maynila.

Kinilala ang mga inaresto na sina Huang Kang Chen, 26; Pou Di Zhu, 28; Li Jun, 26; Liuhan Yang, 24; Hai Yang, 24; Hou Yaqiang, 31; Tang Shaohua, 29; at Liu Ji Jang, 29, pawang mga nanunuluyan sa Brick Stone Hotel sa may M.H Del Pilar Street, Ermita. 

Bukod sa kanila, naaresto rin ang Pinay na si Ranica Fermiza, 24, ng University Place Residences sa Taft Avenue, Maynila.

Sa ulat ng Ermita Police Station, dakong alas-7:30 kamakalawa ng umaga nang maaresto ang mga suspek sa loob ng Room 301 ng Brick Stone Hotel.  Dito nakumpiska sa kanila ang nasa 16 na gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P108,800 at isang kalibre .38 na baril na may limang bala.

Nabatid na unang dumulog sa Paco Police Community Precinct ang rider na itinago sa alyas na King at iniulat ang kahina-hinalang pakete na ipinadadala sa kaniya sa may Alabang, Muntinlupa City. Naghinala siya nang masulyapan na puting pulbos ang laman ng pakete na pinadala sa kaniya at nang kanilang inspeksyunin ay nagpositibo na shabu.

Dito inatasan ng mga pulis si King na muling kontakin ang nagpadeliber sa kaniya ng pakete. Pinabalik naman siya ng kausap niyang Tsino sa hotel kaya sinamahan siya ng mga pulis. Nang muling tanggapin ng isa sa mga suspek ang pakete buhat kay King, dito na pinasok ng mga pulis ang kuwarto at inaresto ang mga inabutang siyam na suspek kung saan ilan sa kanila ay nahuli na aktuwal na gumagamit ng droga.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession) at Section 15 (Use of Illegal Drugs) sa ilalim ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Illegal Possession of Firearms and Ammunitions.

Show comments