MANILA, Philippines — Isang akusado sa pagpaslang sa isang dating opisyal ng pulisya sa Maynila ang naaresto ng mga tauhan ng Regional Special Operation Group at Regional Mobile Force Batallion ng National Capital Region Police Office sa Sogod, Leyte kamakalawa.
Kinilala ni NCRPO Director P/Major General Debold Sinas ang akusado na si Prelan A. Grama alyas “Allan” at “Kalbo” at kilala rin sa pangalang Allan Arciento na may nakabimbing mga kasong murder, carnapping, at Robbery sa Manila Regional Trial Court Branch 21.
Batay sa rekord, sangkot si Grama sa pagpatay noong Disyembre 27, 2015 kay retired P/Supt. Cipriano Herrera, dating hepe ng Manila Police District-Station 3 na kalaunan ay tumakbo at naupong barangay chairman sa Maynila.
Sa pakikipag-ugnayan ng RSOG at RMFB sa sa Regional Intelligence Unit-NCR at local police sa Sogod, naisilbi kay Grama ang warrant of arrest dakong alas 7:00 ng gabi ng Mayo 16 sa Barangay Zone 5 sa nabanggit na bayan.
Nag-ugat ang pagkakaaresto kay Grama sa serye ng mga impormasyong nakuha sa kanyang social media account sa Facebook at sa ilang impormante na may 2-buwang isinailalim sa casing at surveilance ng RSOG at RMFB hanggang matunton sa nasabing lugar ang akusado na namamasukang construction worker doon.