Barangay sa Caloocan, isinailalim sa ‘total lockdown’

MANILA, Philippines — Dahil sa naitalang mataas na kumpirmadong kaso ng CO­VID-19, isinailalim ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang isang barangay sa total lockdown simula ngayon, Mayo 13 hanggang  sa Biyernes, May 15.

Inaasahan na magsagawa ang alkalde ng ocular inspection ngayon araw sa Brgy. 156 na may higit 5, 700 mga residente bago ang pagpapatupad ng total lockdown matapos na 25 ang naitalang nagpositibong kaso sa lugar, ang pinakamataas na bilang sa 188 na barangay sa lungsod.

“I am meeting with the concerned city and barangay officials along with the police to ensure the smooth flow of implementation of the total lockdown for the next 48 hours in Barangay 156”, ani Malapitan.

Sinabi pa ng alkalde, tanging mga health frontliner at essential worker ang papayagan lumabas habang ang mga residente na may mga emergency ay maaaring lumabas sa kanilang mga tahanan.

Kanselado naman ang mga quarantine pass ng mga residente sa naturang barangay at tanging mga opisyal ng barangay ang pinahihintulutan, kasama ang pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan habang nasa ilalim ng total lockdown.

Tiniyak naman ng punong ehekutibo ng lungsod na ang mga food packs ay sapat na maibigay sa mga apektadong residente dahil walang papayagan na kahit isa ang gumala sa naturang lugar at aarestuhin ng mga pulis ang sinumang lumabag.

Habang naka-lockdown, ang mga tauhan ng Health Department ng lungsod ay sasamantalahin ang oras upang magsagawa ng massive swab testing at contact tracings sa lugar.

Ang Caloocan ay may 299 kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Show comments