Sinamantala ang ulan
MANILA, Philippines — Inaresto at ikinulong ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang tricycle driver na gumahasa umano sa isang 16-taong gulang na babae habang bumubuhos ang malakas na ulan kamakalawa ng gabi sa Intramuros, Manila.
Kinilala ang suspek na si Danilo Aranas Jr., 27-anyos, ng Baseco Compound, Port Area, Maynila. Positibo siyang itinuro ng kanyang biktima na itinago sa alyas na “JLQ”, Grade 9 student at nakatira rin sa Baseco Compound.
Sa ulat ng MPD Ermita Police Station 5, naganap umano ang panggagahasa sa kanto ng Cabildo Street at A. Soriano Avenue sa Intramuros dakong alas-7:00 ng gabi.
Ayon sa biktima, umalis siya sa kanilang bahay makaraang makipag-away sa kanyang kinakasama. Naglalakad siya sa kanilang lugar sa Baseco Compound nang huminto sa kanyang harapan ang isang motorsiklo na minamaneho ni Aranas at inalok siya na ihahatid sa Divisoria nang sabihin niya na doon siya papunta.
Pagsapit sa Intramuros, biglang bumuhos ang malakas na ulan kaya napilitan silang huminto at sumilong sa isang madilim na lugar. Habang naghihintay na tumila ang ulan, dito umano siya puwersahang ginahasa ng suspek.
Matapos ang insidente, agad na umuwi at isinumbong ng biktima ang ginawa sa kanya ng suspek. Kusang-loob naman na sumuko sa Barangay 649 si Aranas na siyang nagsuko sa kanya sa pulisya.
Nakaditine ngayon sa Ermita Police Custodial Jail ang suspek na nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 8353 (Rape) sa Manila City Prosecutor’s Office.