Baragay Addition Hills sa Mandaluyong, 1 week na total lockdown

57 COVID-19 cases naitala

MANILA, Philippines — Napagpasyahan ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong na i-total lockdown sa loob ng isang linggo ang Brgy. Addition Hills makaang makapagtala ng 57 COVID-19 cases.

Ayon kay Mayor Carme­lita “Menchie” Abalos, ang total lockdown sa Brgy.Addition Hills ay magsisimula bukas, araw ng Huwebes at magtatagal hanggang sa Miyerkules sa susunod ng linggo.

Sinabi ni Mayor Abalos na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng Brgy. Addition Hills kasama ang City Health Department at mga miyembro ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), Mandaluyong City Medical Center, kapulisan at Philippine Army para  pag-usapan ang tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay.

At sa inaprubahang rekomendasyon isasailalim ang Brgy. Addition Hills sa total lockdown mula bukas Mayo 7 hanggang Mayo 13.

“Ang Barangay Addition Hills po ang may pinakamataas na bilang ng confirmed COVID-19 cases na barangay sa Mandaluyong at sa buong Pilipinas” anang alkalde. 

Habang nasa ilalim ng lockdown ang Barangay Addition Hills, magsasagawa naman ng random rapid testing sa 3,000 residente sa pamamahala ng CESU.

Maghahatid din ang pamahalaang lungsod ng food packs sa bawat bahay para sa lahat ng residente ng barangay na sinimulan kahapon.

Ang iba naman barangay sa lungsod na mayroon ding mataas na bilang ng CO­VID-19 confirmed cases ay kasalukuyan ng pinag-aaralan para sa mga hakbang na isasagawa at maglalabas ng anunsiyo sa mga susunod na araw.

Show comments