MANILA, Philippines — Isang negosyante na nagpakilalang militar ang inaresto dahil sa pagdadala nito ng 27 bote ng alak, baril at bala, sa isang quarantine checkpoint sa Brgy. Payatas sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Brando Busca, 39, ng Kapalaran St., Litex Road, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Ayon kay P/Lt. Renato Florentino, dakong alas-3:25 ng madaling araw habang sila ay nagmamando sa checkpoint noong harangin nila ang sasakyan ng suspek na kulay puting Nissan pick-up para isailalim sa thermal scanning.
Sa isinagawang inspeksyon, nakita sa loob ng sasakyan ang 27 bote ng alak. Nakita rin sa sasakyan ng suspek ang isang 9MM na baril, dalawang magazine na may 15 mga bala.
May dala ring P12,600 cash ang suspek at iba’t-ibang ID card at firearms license.
Agad na dinala sa Station 6 ng QCPD ang naturang suspek at isinasailalim sa masusing imbestigasyon.