QUEZON CITY, Philippines — Nahaharap na sa kasong kriminal at administratibo ang isang pulis- Quezon City na nakabaril at nakapatay sa isang retiradong sundalo sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City nitong Martes.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, B/Gen Ronnie Montejo, boluntaryo nang sumuko sa kanilang tanggapan si P/Msgt. Daniel Florendo Jr., na nakatalaga sa Fairview Police Station (PS 5) at isinuko ang kanyang service firearm na ginamit sa pamamaril sa kay Winston Ragos, 34, retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng hapon noong Abril 21, nang maganap ang insidente habang nagbabantay sina M/Sgt Florendo at apat na police trainees mula sa Highway Patrol Group, sa isang quarantine control point sa Maligaya Drive, Brgy. Pasong Putik.
Nauna rito, nilapitan umano ni Ragos ang mga police trainees at saka pinagsisigawan at pinagsalitaan ng masama.
Pinagsabihan naman umano ng mga pulis si Ragos na umuwi na lamang dahil lumalabag ito sa ipinatutupad na extended enhanced community quarantine (EECQ) ng pamahalaan ngunit hindi ito sumunod at sa halip ay nagpakilala pang dating sundalo.
Malaunan ay natuklasan ng mga pulis na may dalang kalibre .38 revolver, na kargado ng mga bala, si Ragos sa kanyang bitbit na sling bag, kaya’t bumunot ng baril si Florendo at nilapitan ang retiradong sundalo.
Inatasan umano ng pulis si Ragos na sumuko ng mapayapa ngunit sa halip na tumalima ay tinangka pa umano nitong bunutin ang dalang baril.
Dito na pinaputukan ni P/Msgt. Florendo si Ragos matapos na makaramdam ng panganib sa kanilang buhay. Nang duguang bumagsak si Ragos ay isinugod na ito sa Commonwealth Hospital ng mga awtoridad, ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.
Narekober naman ng mga imbestigador ang sling bag, baril na may apat na bala na walang serial number mula kay Ragos.