500 pamilya nasunugan sa Tondo

Nasa 500 pamilya ang naapektuhan sa naganap na malaking sunog sa Happy Land sa Tondo, Manila kahapon ng umaga.
Ernie Peñaredondo/ File

MANILA, Philippines — Nasa 500 pamilya ang naapektuhan ng sunog na tumupok sa mga kabahayan  sa Happy Land sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Nagsimula ang sunog sa  2-palapag na bahay na yari sa light materials na pag-aari ng isang Antonio ‘Manong’ Bullos at Josephine Villamor,  sa  6-K Sta. Paquita, Brgy. 105, Zone 8, Happy Land, Tondo, dakong alas -7:31 ng umaga. Umakyat ang alarma sa 4th alarm dakong alas- 7:57 at naidineklarang fire-out alas- 9:41 ng umaga.

Sa inisyal na ulat ni SFO2 Sergio Pangan, walang nasawi o nasugatan sa sunog.

Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng apoy na hinihinalang dahil sa nag-overheat na bentilador.

Tinatayang nasa 1.2 mil­yon ang halaga ng napinsala.

Dahil sa pangyayari, hindi naiwasang maglabasan ang mga residente sa gitna ng umiiral na 24-oras na curfew. Nakabantay naman ang kapulisan sa mga apektadong pamilya at patuloy ang paalala sa physical distancing at pagsusuot ng facemask.

Show comments