MANILA, Philippines — Inaresto ang dalawang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga tauhan ng Makati Police matapos kotongan ang dalawang food delivery motorcycle rider sa Makati City, Biyernes ng hapon.
Nahaharap sa reklamong robbery extortion ang mga suspek na kinilalang sina Darwin Reyes, 47, residente ng Pantoc Binangonan Rizal; at Elmer Balunsat, 38, kapwa MMDA traffic constable.
Sa ulat, dakong alas- 5:00 ng hapon kamakalawa nang maganap umano ang pangongotong ng dalawang suspek sa may EDSA Ayala Southbound loading/unloading Bay, sa Brgy. San Lorenzo, Makati City.
Sa reklamo ng mga biktimang sina Francis Vincent Peria, 26, at Nino Paulo Aguda, 30, magdedeliber sila ng pagkain sa nasabing lungsod nang pagsapit sa nasabing lugar ay pinara sila at sinita ng mga suspect.
Ayaw umano silang padaanin kung hindi magbibigay ng pera kaya napilitan silang mag-abot sa dalawa.
Nang makalagpas ang dalawa ay nakita nila ang grupo ng pulis na nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa Arnaiz corner Park Square Drive at isinumbong ang dalawang kotongero.
Nang puntahan ang dalawa ay positibong itinuro sila ng dalawang rider na ang isa ay nanghingi ng P500 habang ang isa ay P100.
Narekober ang extortion money sa dalawang traffic enforce.