MANILA, Philippines — Inihayag ni Makati City Mayor Abby Binay na sasagutin ng pamahalaang lungsod ng Makati ang gastusin sa cremation ng mga yumaong residente dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y matapos makipagkasundo sa pribadong kumpanyang NewLife Techwin Inc., na magpapagamit ng dalawang crematory machines sa lungsod sa bisa ng isang memorandum of agreement (MOA).
“Sasagutin ng pamahalaang lungsod ang cremation ng mga namayapa dahil sa COVID-19. Ngayon higit pa man, kailangan maramdaman ng Makatizens na buo ang tulong at pakikiramay natin sa kanila,” ani Binay.
Tiniyak din ng alkalde na ligtas ang cremation process na gagawin, at pasado ito sa mga pamantayan at protocols na itinakda ng Department of Health (DOH).
Sa pinakahuling naitala noong Abril 14, 2020, nasa 199 confirmed cases; 510 ang probable cases; 407 ang suspect cases; 21 ang nasawi at 30 ang recoveries.
Kaugnay nito, dahil halos patapos na ang pagbibigay ng paunang tulong tulad ng food packs, cash assistance, at mga gamot sa senior citizens; solo parents; public school students; pwd; informal sector; tricycle, jeepney, at pedicab drivers, inihahanda naman ang grocery vouchers para sa mga residente ng Makati.
Kabilang din sa mabibigyan ang middle-class families sa grocery vouchers na may kabuuang P50-milyon.