MANILA, Philippines — Sinaklolohan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang daan-daang mga estudyante nilang na-stranded sa kanilang mga dorm dahil sa ‘quarantine’ nang hatiran ng ‘relief goods’.
Nabatid na nasa 130 relief goods at alkohol ang kanilang ipinamahagi sa mga estudyante na nananatili sa kanilang mga dorms at boarding house sa paligid ng PUP Campus.
Ang 130 estudyante ay nanatili sa kanilang dorm dahil sa gagawing ‘online’ ang kanilang mga klase na nasuspinde rin naman habang ang iba ay hindi na umuwi ng kanilang mga probinsya dahil sa takot na mahawahan ang kanilang mga pamilya kung sakaling may taglay silang virus.
“Through concerted efforts, PUP was able to reach out to its students who by then were already in need of food and other essentials,” ayon sa pahayag ng PUP.
Naglalaman ang food packs ng mga de-latang sardinas, bigas at iba pang pagkain na donasyon ng mga opisyal ng PUP, faculty at mga empleyado. Binigyan rin sila ng alkohol na prinodyus ng mga researcher ng unibersidad.
Nananawagan rin ang PUP ng tulong sa mga militar at pulisya na maibiyahe ang mga estudyante pauwi sa kanilang mga bahay sa probinsya.