MANILA, Philippines — Mula araw ng due date ay extended pa ng 30 days ang araw ng takbang pagbabayad ng kanilang bills sa tubig ng mga customers ng Manila Water.
Ito ayon sa pamunuan ng Manila Water ay bilang tugon ng kompanya sa ipinapatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon sa loob ng isang buwan.
Ipapatupad ito sa mga billing na may due date na tatapat sa panahon ng quarantine.
Ayon kay Manila Water President at Chief Executive Officer Rene Almendras na mahalaga sa kompanya ang kapakanan ng mga kostumer nito.
“Pangunahin sa amin ang kapakanan ng aming mga customer habang lahat tayo ay nagtutulong-tulong upang pigilin ang pagkalat ng COVID-19. Inaalala naming hindi na sila lumabas pa at makipagsapalarang mahawaan upang makapagbayad lang. Hinihikayat namin silang sumunod sa utos ng Pangulong manatili sa bahay,” dagdag ni Almendras.
Gayunman, maaari pa ring gamitin ang online banking at iba pang online payment channels tulad ng GCash sa nais magbayad ng water bill nang hindi kailangang umalis ng customer ng kanilang bahay.
Tiniyak din ng Manila Water na lahat ng customer nito ay may sapat na suplay ng tubig, maliban na lamang sa mga lugar na may emergency repairs o kinakailangang maintenance activity.