MANILA, Philippines — Patay ang isang police major na sinasabing kabilang sa narcolist nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nasa loob ng kanyang sport utility vehicle (SUV) na pansamantalang nakahimpil sa isang auto parts and vulcanizing shop sa Makati City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Maj. Jeffrey Dalson, 43, residente ng Brgy. East Rembo, Makati City, tubong Baguio City at nakatalaga sa mismong tanggapan ni PNP Chief General Archie Gamboa.
Sa ulat ng Makati Police, dakong alas- 7:05 ng umaga nitong Lunes (Marso 9) nang maganap ang pamamaril sa tapat ng Avash Trading na matatagpuan sa JP Rizal Extension cor 29th ave., Brgy. East Rembo, Makati City.
Sa kuha ng closed circuit television (CCTV), pumasok sa kanyang Ford Everest ang biktima na nagmula sa nasabing tindahan, at nang may kumausap sa kanyang lalaki habang nakaupo siya sa driver’s seat ay sumulpot na ang isang NMAX motorcycle, bumaba ang backrider at pinuntahan siya at pinagbabaril.
Hindi pa nakuntento at nagtungo pa sa bahagi ng passenger seat, binuksan ang pinto ng SUV at muli pang pinaputukan ng ilang ulit habang nakaabang sa tabi ng gunman ang get-away motorcycle na agad pinasibad ng rider.
Hindi naman mamukhaan ang dalawang suspek dahil sa suot na full-face helmet na suot ng mga ito at itim na long-sleeve jackets.
Sa impormasyon, nabatid na kabilang ang biktima sa mahigit 300 PNP personnel na ipinatawag ni Gamboa noong nakalipas na Enero at itinalaga sa PNP Camp Crame para magpaliwanag kung bakit sila nakabilang sa talaan ng high value target (HVT).