MANILA, Philippines — Arestado ang isang 18-anyos na lalaki matapos umanong gahasain ang isang Grade 5 student na kapitbahay sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa.
Nakapiit na sa Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang suspek na si JM Pillora, ng 351-B Quintana St., Sta. Mesa na nahaharap sa kasong “Statutory Rape” in relation to Child Abuse Law sa Manila Prosecutor’s Office.
Kamakalawa ng umaga nang arestuhin ang suspek matapos idulog ng ina ng biktima sa himpilan ng pulisya ang ginawang panghahalay sa kanyang anak noong Pebrero 26, 2020 sa loob ng bahay ng suspek.
Nabatid na dingding na kahoy lang umano ang pagitan ng tinitirhan ng pamilya ng biktima at suspek kaya madalas niyang makita ang biktima hanggang sa matiyempuhan niyang nag-iisa at dalhin sa loob ng kanyang tinutuluyang kuwarto kung saan isinagawa ang makamundong pagnanasa dakong tanghali noong Miyerkules.
Agad namang inaksyunan ni SMaRT chief, P/Major Rosalino Ibay ang sumbong at nadakip ang suspek.