MANILA, Philippines — Patay ang isang 48- anyos na stroke victim nang pagbabarilin ng anim na kalalakihang pawang nakasuot ng face masks, crash helmets at jackets habang ang una ay natutulog sa kaniyang barung-barong sa gilid ng riles ng tren, sa Old Antipolo St., Blumentritt, Sta Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Ricardo Ma, residente ng Old Antipolo St., Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila, bunga ng mga tinamong tama ng bala sa mukha.
Sa ulat ni P/Executive Master Sgt. Charles John Duran, dakong alas- 12:00 ng madaling araw kahapon nang maganap ang krimen sa mismong barung-barong ng biktima.
Sa imbestigasyon, natutulog na ang biktima nang magsidatingan ang anim na lalaki at sunud-sunod na putok ang pinakawalan na sa mukha lahat tumama.
Nang matapos ang pamamaril ay nagsitakas ang mga suspek na sumakay sa mga scooter.
Naitakbo naman sa naturang pagamutan ang biktima na idineklara ring dead-on-arrival ala-1:38 ng madaling araw.
Noong nakalipas na taon nang ma-stroke umano ang biktima at naisipang sa gilid na lang ng riles ng Philippine National Railways (PNR) magtayo ng barung-barong na kaniyang pahingahan at tulugan.