MANILA, Philippines — Patay sa pamamaril ang isang suspendidong opisyal ng Bureau of Correction na iniuugnay sa iba't ibang kontrobersiya sa New Bilibid Prison, Miyerkules.
Bago mag-alas dos ng hapon, pinagtatambangan ng dalawang hindi pa naikilalang lalaki si Frederic Anthony Santos, hepe ng legal service ng Bureau of Corrections, sa harap ng Southernside Montessori School sa Lungsod ng Muntinlupa.
"[S]usunduin na sana ng biktima ang anak niyang babae sa [eskwelahan]... Bago dumating sa lugar ng insidente, dalawang (2) hindi pa kilalang lalaki ang bumulaga at pinagbabaril siya nang malapitan," sabi ng isang spot report sa Inggles.
Setyembre taong 2019 nang masuspindi si Santos, kasama ng 27 BuCor officials, matapos sabihin ng Office of the Ombudsman na nakakita sila ng inisyal na ebidensya pagdating sa kwestyonableng pagpapalaya sa 1,914 heinous crime convicts sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Dati nang umamin si Santos hinggil sa katiwaliang nangyayari sa loob ng Bilibid, ngunit nagtuturuan sila ng noo'y BuCor chief Nicanor Faeldon pagdating sa iligal na release ng mga inmates.
"[T]umakas sa hindi pa nalalamang direksyon ang mga suspek," dagdag pa ng ulat.
Agad namatay si Santos matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo, ayon sa Muntinlupa Rescue Team.
Matatandaang nailagay sa kontrobersiya ang pagpapatupad ng GCTA law, na nag-aawas ng sintensya sa mga preso, matapos maisiwalat na ibinebenta ito ng ilang opisyal.
Karaniwang iginagawad ang GCTA sa mga inmate na nagpapakita ng magandang asal sa loob ng kulungan, ngunit hindi ito maaaring ibigay sa mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag