MANILA, Philippines – Sa kulungan bumagsak ang isang aroganteng Indian national makaraang sakalin ang isang traffic enforcer na humuli sa kaniya dahil sa jaywalking sa isang kalsada sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang suspect na si Chirag K. Parajapat, 22, estudyante, ng Silangan Park, Brgy. Marulas, ng naturang lungsod. Inireklamo siya ng biktimang si Jedah Dagaraga, 32, pedestrian enforcer ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela.
Sa ulat ng pulisya, naka-duty sa paggabay sa mga tumatawid si Dagaraga sa may kanto ng Mac Arthur Highway at Villa Theresa Subdivision sa Brgy. Marulas dakong alas-5:30 ng madaling araw nang ura-uradang tumawid ng kalsada ang dayuhan na si Parajapat.
Agad na hinuli ni Dagaraga ang dayuhan at ipinaliwanag ang paglabag niya sa City Ordinance No. 184 o Anti-Jaywalking. Ngunit sa halip na aminin ang kasalanan, nagalit ang suspek, inatake ang biktima at sinakal.
Mabilis na sumaklolo ang mga kasamahang traffic enforcer na umawat kay Parajapat. Humingi rin sila ng saklolo sa mga pulis na nagresulta sa kaniyang pagkakaaresto.
Nasa kustodiya ngayon ng Police Community Precinct 3 at nahaharap sa kasong Direct Assault sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.