MANILA, Philippines — Magkakaloob ng ‘gatas ng ina’ ang Quezon City government-Human Milk Bank para sa mga sanggol sa evacuation centers sa Batangas.
Ito ay makaraang ipag- utos ni QC Mayor Joy Belmonte sa QC General Hospital-Human Milk Bank ang paglalaan ng gatas ng ina para sa mga sanggol na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.
“Tutulong ang ating Human Milk Bank sa Quezon City General Hospital (QCGH) sa mga inang may mga sanggol na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal, simpleng tulong para sa ating mga apektadong kababayan,” pahayag ni Belmonte.
Ang hakbang ay ginawa ni Belmonte nang malaman ang panawagan ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas para sa donasyong gatas ng ina para sa mga nagpapasusong ina sa evacuation centers.
Noong Sabado, ininspeksiyon ni Belmonte at ni QCGH director Dr. Josephine Sabando ang suplay ng gatas ng ina na ipapamahagi sa mga ina na may sanggol sa iba’t-ibang evacuation sites sa Batangas.
Ayon kay Dr. Sabando, magbibigay ang QCHMB ng paunang 40 bote (100 ml) ng pasteurized human milk sa mga sanggol sa evacuation centers sa Batangas. Kung kailanganin, may 200 pang bote ng gatas ng ina ang nakalaan para ipamigay.
“Bahagi ng programa ng Milk Bank ng QC General Hospital na magbigay ng gatas ng ina tuwing may kalamidad upang matiyak na may sapat na nutrisyon ang mga sanggol na nasa evacuation centers,” sabi ni Dr. Sabando.
Paliwanag ni Dr. Sabando, nakalap ang nasabing gatas ng ina sa tuluy-tuloy na milk letting activities na isinasagawa sa tulong ng QC Health Department sa iba’t ibang komunidad sa Quezon City.