MANILA, Philippines — Arestado ang isang sinasabing bigtime na ‘tulak’ ng droga makaraang masakote at makumpiskahan ng higit sa P2-milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Las Piñas City, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Las Piñas City Police chief, PCol Segundo Lagundi ang nadakip na si Daniel Fernandez, nasa hustong gulang, habang nakatakas ang kaniyang kasamahan na si Edgardo Enriquez.
Sa ulat ng pulisya, alas-9:20 kamakalawa ng umaga nang ikasa ng mga tauhan ng Special Operations Unit Follow-Up Section (SOU-FUS) ang anti-drug operation sa may Rosendo St., Saint Joseph Subdivision, Brgy. Pulang Lupa 2, ng naturang lungsod.
Nagawang makabili ng mga pulis ng ilang plastic sachet ng shabu sa mga suspek ngunit nakatunog si Enriquez sa presensya ng pulis sa paligid kaya agad na nakatakas kaya natimbog lamang ng mga operatiba si Fernandez.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 300 gramo ng shabu na may kabuuang halagang P2,040,000 at 50 piraso ng bala para sa kalibre .45 baril.
Dinala ang mga nasabat na droga sa Southern Police District Crime Laboratory para sa kaukulang pagsusuri habang isinasailalim sa mas masusing imbestigasyon si Fernandez.
Nahaharap na ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Las Piñas City Prosecutor Office.